Tuesday, September 27, 2011

Kumot ni Pedring

Habang mina-marathon ni Pedring ang pagbayo at paghampas sa tahanan namin
Ay siya rin namang pagma-marathon ng diwa ko sa pag-aagam-agam 
Kung bakit nga ba ako niregaluhan ng Kumot ng dati kong mahal.


Malamang natanto nyang may bagyong paparating.
Mawawalan ng kuryente, mawawalan ng komunikasyon, ng signal, mawawalan ng musika.
Manlalamig ang buong paligid.
Ano pa nga ba ang aking mababalingan kundi ang kumot na yayakap sa'kin nang di ginawin?










Ngunit bakit tila kasama sa mga nawala ay ikaw mismo, mahal?
Ngayon ay walang patumangga akong niyayakap ng lungkot.


Ginusto mo nga ba talaga akong balutin ng init ng 'yong pagmamahal
O ng lungkot mula sa unos na mag-aalab sa nanlulumo ko ngayong puso?
Tama ba ang pamahiing sa bawat ligaya ay kapalit na pagdurusa at pagluluksa ang babalik?


Na kung inakala kong ang Kumot na handog mo ay puso mong yayakap sa 'kin sa pagharap sa bagyo
Ay siya mismong bagyong yayakap sa 'kin sa 'di inaasahang paglisan mo?

No comments:

Post a Comment